Mga Pakinabang ng Pagtatanim ng Punong Kahoy

Napakahalaga ng punong kahoy sa ating mundo. Malaki ang pakinabang nito sa pagkakaroon ng sariwang hangin, napipigilan rin nga mga punong kahoy ang pagkakaroon ng landslide o pag-guho ng lupa, at napagkukunan rin natin ng bungang prutas ang mga punong kahoy depende sa uri nito. Pag usapan natin ang mga bagay ukol sa pagtatanim ng punong kahoy.

Mga uri ng punong kahoy

Ang punong kahoy ay isang pananim na tumataas ng 5 metro o higit pa depende sa uri nito. Mayroon itong mga sanga at mga dahon, matigas ang kahoy nito. Maaari ring mapagkunan ng pagkain ang mga punong kahoy kagaya ng prutas depende sa uri nito. Mayroon din namang hindi namumunga ngunit nagagamit naman sa paggawa ng bahay at kagamitan sa bahay. Anu-ano ba ang mga uri ng punong kahoy? Alamin natin.

Punong kahoy na namumunga. Mayroon tayong napakaraming punong kahoy na namumunga, ilan sa mga ito ay makikita at maitatanim dito sa Pilipinas. Malaki ang ambag ng mga punong kahoy na namumunga sa ating agrikultura, ang mga bungang prutas ng mga punong kahoy ay maaaring ibenta at gawing negosyo. Anu-ano ba ang mga halimbawa ng punong kahoy na namumunga?

  • Mangga
  • Santol
  • Niyog
  • Kamagong
  • Abokado
  • Saging
  • Bayabas
  • at iba pa.

Punong kahoy na hindi namumunga. Napakarami ring mga punong kahoy ang ang hindi namumunga, ngunit malaki naman ang ambag sa ating agrikultura. Nariyan ang paggamit sa kahoy sa paggawa ng bahay at mga kasangkapan sa bahay, at marami pang iba. Ano-ano naman ang mga uri ng punong kahoy na hindi namumunga?

  • Balete
  • Narra
  • Molave
  • Acasia
  • Mahogany
  • at iba pa.

TANDAAN: Ang ilan sa mga punong ito ay nauubos na ang lahi kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na pamumutol nito.

Kahalagahan ng pagtatanim ng punong kahoy

Naranasan mo na bang matulog o mamahinga sa lilim ng punong kahoy? Hindi ba’t napakasarap sa pakiramdam? Isa lamang yan sa pinakamadaling maisip na kahalagahan sa atin ng punong kahoy. Nakakatulong ang puno sa atin sa pamamagitan ng pagbigay ng hangin, sumisipsip ng tubig pag may baha, nagbibigay pagkain, at nakakagawa tayo ng mga bagay tulad ng papel at marami pang mga kagamitan. Ang pagtatanim naman ng mga punong kahoy sa kagubatan ay nakatutulong sa pagpigil sa pagguho ng lupa o landslide at ganoon na rin sa pag bulusok ng tubig baha.

Ngayong naaiintindihan mo na ang kahalagahan ng pagtatanim ng punong kahoy, mas makakabuti rin kung makikipagtulungan tayo sa mga programa ng gobyerno o kahit ng mga pribadong mga grupo tungkol sa pagtatanim ng punong kahoy.

Pagtatanim ng puno: Ugaliin ang pagtatanim ng punong kahoy

Dahil nga sa kahalagahan ng punong kahoy sa ating kapaligiran, marami ang mga programa ng gobyerno na nagsusulong ng pagtatanim ng punong kahoy. Mayroon ring mga pribadong grupo ang isinusulong rin ito. Bilang isang indibidwal, tanungin natin ang ating mga sarili kung paano tayo makatutulong sa bagay na ito.

Isipin mo na kung bawat isang pamilya sa buong Pilipinas ay magtanim ng isa o dalawang puno sa kanilang bakuran kahit man lang isa sa isang taon. Naiisip mo ba ang benepisyong hatid nito sa mga susunod nating henerasyon? Hindi ba’t marami tayong maliligtas na buhay mula sa mga sakunang dala ng baha at landslide? Marami rin tayong mapagkukuhanan ng pagkain dahil sa mga bunga ng punong kahoy. Ugaliin natin ang pagtatanim ng punong kahoy dahil sa huli, ay tayo rin naman ang makikinabang.

KATULAD NA MGA ARTIKULO