Gabay sa Wastong Pag-aalaga ng Kambing

Para sa akin, ang karne ng kambing ang isa sa pinakamasarap na karne na natikman ko. Bukod sa malasa at malambot ang karne nito, healthy rin itong kainin, dahil yan sa uri ng kanyang kinakain, katulad ng damo, at mga dahon ng halaman. Kaya naman marami ang mga nahihilig sa pag aalaga ng kambing. Gusto mo bang magkaroon ng kambingan? Kung oo, kailangan mong malaman ang wastong pag-aalaga ng kambing.

Ang iba’t ibang uri ng kambing

Ang domestikadong kambing o goat sa ingles, ay isang pinaamong subspecies ng layas na mga kambing ng timog-kanlurang Asya at silangang Europa. Isa ang mga domestikong kambing sa mga pinakamatagal na pinaaamong species ng hayop. Sa loob ng ilang libong taon, inaalagaan sila ng mga tao para sa kanilang gatas, karne, balahibo at katad. Noong nakaraang siglo, naging tanyag din sila bilang mga alaga sa loob ng bahay.

Napakaraming uri ng kambing sa buong mundo, bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang katangian at pakinabang. Karaniwan sa mga uring ito ay pangunahing pinagkukunan ng karne at gatas. Narito ang iba’t ibang uri ng kambing at ang kanilang katangian.

Toggenburg. Matipuno ang pangangatawan, mahaba ang buhay at mahusay kumain ang lahing ito. Ito ay may guhit puti sa mukha ng tainga at may puting marka sa binti at hita. Nakapagbibigay ito ng apat na litrong gatas araw-araw.

Anglo-Nubian. Malaki ang bulto ng dayuhang lahi na ito at tumitimbang ng 120 kilo. Bilog at tuwid ang tuhod, kulay kayumanggi o kaya’y itim o batik-batik. Sa mga lahing galing sa ibang bansa, ito ang hiyang na hiyang dito sa Pilipinas. Nakapagbibigay ito ng 2 – 3 litrong gatas araw-araw.

French Alpine. Ito ay isang kambing na kilala para sa kanyang napakahusay na kakayahang mag produce ng gatas. Wala silang set ng kulay o markings. Sila ay may sungay, tuwid ang tindig, at nakatayo ang tainga.

Saanane. Ito’y dayuhang lahi ng kambing na hiyang rin dito sa Pilipinas. Ang karaniwang kulay nito ay puti o cream at walang balbas. Ang husto sa gulang na inahin ay tumitimbang ng 50 – 60 kilo at ang barako ay 65 -100 kilo. Ang inahin nito ay nakapagbibigay ng gatas sa pinakamahabang panahon at makakakuha sa bawat inahin ng tatlong litrong gatas araw-araw. Ang mga babae ng lahing ito ng kambing ay tinaguriang “Reyna ng Gatasang Kambing”.

Indian Lumna Pari’. Matipuno ang pangangatawan nito at hiyang sa maiinit na klima ng Pilipinas. Mayroong kulay puti nito at mayroong itim. Dalawang litrong gatas ang produksiyon nito sa isang araw.

Iilan lamang yan sa napakaraming uri ng kambing na narito na sa Pilipinas. Ngayong alam mo na ang iba’t ibang lahi ng kambing, alamin naman natin kung paano ang wastong pag aalaga ng kambing.

Wastong pag-aalaga ng kambing

Paghahanda ng bahay ng kambing

Para sa paggawa ng bahay, gumamit ng mga lokal na materyales kagaya ng kugon, nipa, palapa ng niyog at kawayan. Maaari ring gumamit ng lumang yero para sa bubong. Hindi kailangang gumastos ng sobra para sa pabahay. Maghanap ng lugar na pagtatayuan ng bahay na hindi binabaha. Siguraduhin rin na nasisikatan ito ng araw at dapat mayroong magandang bentilasyon.

Tungkol naman sa disenyo ng bahay, dapat ay nakaangat ang bahay ng kambing sa lupa ng hindi kukulangin ng isang metro. Kailangan ring lagyan ng siwang ang sahig nito na magsisilbing hulugan ng dumi at ihi ng kambing. Importante ito upang mapanatiling malinis ang kambing. Bigyan ng isang metro kuwadradong espasyo ang bawat isang kambing upang makagalaw ito ng maayos.

Wastong pakainan para sa kambing

Napaka-importante para sa mga alagang kambing ang mayroon silang wastong kainan. Maglagay ng tamang pakainan ng damo sa gilid o dingding ng pabahay. Kinakailangang may siwang na may tamang sukat ang dinding upang makalabas ng maayos ang ulo ng kambing kapag ito’y kakain.

Wastong painuman at sisidlan ng asin

Kailangan na may tamang painuman ang mga kambing. Gumamit ng balde o container na maaaring lagyan ng tubig. Importanteng malinis ang tubig na kanilang inumin. Para naman sa asin, nakatutulong ito sa mga kambing bilang pampagana nila sa pagkain o appetizer. Tunawin at ihalo ito sa kanilang inumin.

Pagpurga sa mga alagang kambing

Purgahin ang mga kambing dalawang beses sa isang taon depende sa dami ng bulate nito. Magbigay ng pamurga bago sumapit ang tag-ulan o kaya naman ay sa kasagsagan ng tag-ulan upang mas maging mabisa ang pamurga.

Paglilipat sa pastulan

Importante ang paglilipat ng kambing sa pastulan. Sa paraang ito ay mas nakakagalaw sila ng maayos at nakalalanghap ng sariwang hangin. Makakakain rin sila ng mga preskong damo at halaman. Ang paglilipat ng mga kambing sa pastulan ay nangangailangan ng wastong pangangasiwa.

Gabay sa pag aalaga ng kambing: pagkontrol sa bulate sa kambing

Importante na mapangalagaan ang kalusugan ng mga alagang kambing dahil dito nakasalalay ang kanilang buhay. Ang malusog na pangangatawan ay siguradong magpapaganda sa timbang at maiiwasan ang pagkamatay ng kambing, lalo sa mga batang kambing, at bagong panganak na kambing. Upang makontrol ang bulate sa kambing, ipinapayo ng mga eksperto ang pagkonsulta sa mga beterinaryo upang mabigyan ang kambing ng tama at sapat na gamot.

Mga dagdag kaalaman sa pag aalaga ng kambing

Talagang maganda ang magkaroon ng sariling kambingan, lalo na kapag napangasiwaang itong mabuti. Ang pag aalaga ng kambing ay hindi gaanong mahirap. Kung ihahambing sa ibang mga hayop na inaalagaan, ang kambing ay mas maamo at madaling makibagay sa mga nakapalibot sa kanila. Dagdag pa dito ay marami silang mapagkukunan ng kanilang pagkain, kung kaya’t hindi kailangan ng malaking gastos sa pag aalaga nito.

Kagaya nga ng mga nabanggit ko sa itaas, ang pag aalaga ng kambing ay nangangailangan lamang ng wastong pangangasiwa. Napakarami ang pakinabang ng pag-aalaga ng kambing sa mga tao, nariyan na ang karne nito, ang kanilang gatas, at buhok na maaaring gamiting kasangkapan sa paggawa ng mga damit at kung anu-ano pa. Kung kaya naman ang pagkakaroon ng kambingan ang isa sa mga pangarap ko, marahil ay kayo rin!

Ang negosyong kambingan ay nangangailangan lamang ng maliit na puhunan, ngunit ang balik ay malaking kita. Ayon sa pananaliksik, ang puhunang aabot ng 400,000 ay maaaring kumita ng limang milyon sa loob lamang ng limang taon, ang limang milyong ito ay galing lamang sa pag bebenta ng kambing at hindi pa kasama rito ang pag benta ng gatas. Ito ang lumabas sa pag aaral ng ating mga agriculturists. Napatunayan nito na talagang maganda ang negosyong pag-aalaga ng kambing o kambingan.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gabay sa Wastong Pag-aalaga ng Kambing
Rate this post

KATULAD NA MGA ARTIKULO