nandito ka
Paano ba Kumita sa Pag Aalaga ng Baboy? pag aalaga 

Paano ba Kumita sa Pag Aalaga ng Baboy?

Ang pag aalaga ng baboy sa Pilipinas ay isang magandang negosyo para sa atin. Ito ay isinasagawa na ng mga Pinoy sa loob ng maraming dekada. Ang mga mamayan sa rural na mga komunidad ay nag aalaga ng baboy sa kanila mismong mga bakuran. Kadalasan, ang mga pamilyang Pinoy ay nag aalaga ng baboy para madagdagan ang kanilang kita para sa pang araw araw na mga gastusin. Kapag ang mga magulang ay kapwa okupado ng kanilang hanapbuhay, ang kanilang mga anak ay tumutulong sa pagpapalaki sa mga biik, hanggang sa ito ay umabot na sa tamang timbang. Alam mo na dito sa Pilipinas, mas maraming baboy na pinalaki sa bakuran ang ibinibenta sa mga pamilihan kumpara sa mga galing sa commercial piggeries? Patunay lamang na ang pag aalaga ng baboy ay bahagi na ng kulturang Pilipino.

Sa kabila ng mga kahirapang napapaharap sa industriya ng pag aalaga ng baboy, marami paring mga tao ang nakikipagsapalaran na pumasok at magpatuloy sa negosyong ito. Kaya, ang artikulong ito ay ginawa na naglalayong makapagbigay ng tumpak na impormasyon tungkol sa wastong pag aalaga ng baboy para sa dagdag na kita ng pamilya.

Paghahanap ng tamang uri ng biik

Ang grow out production system ay isang sistema ng pagpapalaki ng mga biik hanggang sa ang mga ito ay umabot na sa tamang timbang.

Isa sa mga pundasyon ng matagumpay na grow out operation ay ang pagkuha ng mga biik at pagpapalaki sa mga ito sa mga panahon na mataas ang halaga ng karne ng baboy. Base sa karanasan ng mga nag aalaga ng baboy, ang kita ay nagiging mas mataas sa mga buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero. Kaya, ang mga biik na inalagaan magmula buwan ng Agosto hanggang Nobyembre ay malamang na maibenta sa mas mataas na halaga.

Mga pakinabang ng pag aalaga ng baboy

Narito ang mga pakinabang ng pag aalaga ng baboy, kung grow out system ang iyong isasagawa:

  • Mas mabilis ang pagbalik ng iyong capital kumpara sa kung ikaw ay mag-aalaga pa ng inahin at hihintayin mo pang ito ay manganak na siya namang palalakihin mo. Kung aasa ka sa inahin, aabutin ka ng isang taon mula pagbubuntis ng inahin hanggang sa maibenta ang mga baboy. Sa grow out system, tatlo at kalahati hanggang apat na buwan lamang ang iyong paghihintay!
  • Kung ikaw ay mag-aalaga ng inahin, kailangan nito ng ibayong pag-iingat habang ito ay buntis. Matrabaho rin ang pag-aalaga ng bagong silang na mga biik. Maiiwasan mo ito kung bibili ka na lamang ng mga biik na patatabain mo.
  • Hindi mo na kailangang maghintay ng susunod na batch ng mga biik, pwede ka nang bumili agad ng mga bagong palalakihin mo sa oras na maibenta mo na ang naunang batch.

Mga hamon na kaakibat ng pag aalaga ng baboy

Kung may mga pakinabang ang pag aalaga ng baboy sa sistemang grow-out, mayroon din namang mga hamon o disadvantages na dapat mong malaman at isaalang alang kung ikaw ay nagbabalak na magsimula ng iyong pag aalaga ng baboy business. Narito ang ilan sa mga ito:

  • May gastos na bibitawan hindi lamang sa pagbili ng biik kundi pati na rin sa pagbyahe ng mga ito pati na sa mga ahente na tumulong sa iyo na maghanap ng mga biik sa panahon na kakaunti ang supply ng mga baboy.
  • Kapag ang mga biik ay nanggaling sa iba’t ibang lugar o sari-saring source, mas mataas ang posibilidad ng ang iyong mga biik ay magkahawaan ng sakit.
  • Ang presyo ng biik ay paiba-iba depende sa presyuhan sa pamilihan. Kaya, ang kita sa pagpapalaki ng mga biik na binili mo ay mataas kung ang presyo ng buhay na baboy ay mataas din. Samantala, ang iyong pagkalugi ay magiging doble-doble kapag ang presyuhan ay biglang bumaba.

Lugar at Layout para sa iyong pag-aalaga ng baboy business

Narito ang mga dapat mong tandaan kung ikaw ay nagbabalak na magtayo ng iyong babuyan:

  • Ang iyong babuyan ay dapat na nasa malayo sa lugar kung saan maraming naninirahang tao.
  • Ito ay dapat na may layong 25 metro sa pinagkukunan ng tubig tulad ng poso o balon
  • Ang babuyan lalo na kung ito ay malaki ay dapat na may isang kilometro ang layo sa mga kabahayan at lugar ng negosyo

Narito naman ang mga tuntunin ng tamang pagtatayo ng iyong babuyan

  • Ang babuyan ay dapat na itayo ng maayos para masiguro na ang iyong mga biik ay lalaking maayos. Ang hindi magandang tirahan ng baboy ay magpapataas lamang ng insidente ng pagkakasakit ng iyong mga alaga.
  • Para sa maliliit na babuyan na nasa bakuran lamang, ang murang mga materyales na madaling makuha sa inyong lugar tulad ng kawayan at pawid tamang gamitin sa pagtatayo ng iyong babuyan.
  • Ang iyong babuyan ay dapat itayo sa medyo nakatagilid na lugar para hindi maging maputik ang iyong bakuran at maging mas madali ang iyong pag-aalaga ng baboy.
  • Ang permanenteng mga babuyan ay dapat na may simentadong sahig para mas madali ang paglilinis at hindi gaanong nakapagpaparami ang mga peste at sakit. Siguraduhing hindi masyadong magaspang o masyadong madulas ang pagkakagawa ng sahig para masiguradong hindi magkakaroon ng problema o sakit sa paa ang iyong mga alaga.

Wastong pag aalaga ng baboy: Tamang pakain

Narito ang mga dapat na tandaan kung tungkol sa tamang pag-aalaga ng baboy at tamang pakain:

  • Simulan ang pagpapakain sa bagong mga biik ng mga nabibiling pre-starter na feeds kapag ang iyong baboy ay isang linggong gulang na.
  • Ang pakain sa baboy ay dapat na palitan depende sa iba’t ibang yugto ng paglaki ng iyong alaga. Ang pagpapalit ng pakain ay dahan dahang isinasagawa para hindi ma stress ang tiyan ng mga biik.
  • Ang starter na feeds ay ibinibigay sa mga biik magmula pagwalay hanggang sa ikalawang buwan sa bigat na 10 hanggang 25 kilo.
  • Sunod, ang grower ay ibinibigay sa baboy kapag sila ay 30 hanggang 35 kilo o dalawang buwang gulang na hanggang sila ay umabot sa 20 linggo.
  • Kapag ang baboy ay 60 kilo na, o lampas na sa 20 linggo na, kailangan na silang bigyan ng finisher feeds.
  • Pwede mo na silang bigyan ng mga dahon tulad ng dahon ng kamote o mais bilang dagdag sa kanilang pagkain, siguraduhin lamang na ito ay niluto ng maayos.
  • Bigyan sila ng sapat na tubig na maiinom

Paano ba kumita sa pag aalaga ng baboy? Sa muli, tandaan na kailangang pag-aralan moa ng galaw ng presyo ng buhay na baboy. Mas mataas ang presyo ng baboy, mas malaki ang iyong kita.