nandito ka
Paano ba Magtayo ng Babuyang Walang Amoy? pag aalaga 

Paano ba Magtayo ng Babuyang Walang Amoy?

Bagaman ito ay isang makabagong teknolohiya, ang natural na pag-aalaga ng baboy o mas kilala sa tawag na babuyang walang amoy sa Pilipinas ay unti-unti nang nakikilala. Parami nang parami ang mga nag-aalaga ng baboy bagaman sila ay baguhan o datihan na sa ganitong larangan ay nagsisimula nang isagawa ang ganitong pamamamaraan ng pag-aalaga ng malulusog na mga baboy. Marami sa mga nag-aalaga ay nagsitayo na ng kanilang babuyang walang amoy sa kanilang mga bakuran gamit ang mga kagamitang makukuha lamang sa kanilang paligid. May mga nag-aalaga naman ng baboy na ginawa nang babuyang walang amoy ang kanilang conventional na babuyan para maging mas matipid ang kanilang kabuhayan.

Pero tandaan, ang babuyang walang amoy ay hindi lamang basta pagkakaroon ng pig pen na hindi mabaho. Bagaman mas madaling mapansin ang pagiging walang amoy ng babuyang gumagamit ng natural nap ag-aalaga ng baboy, ang pakinabang ng ganitong teknolohiya ay hindi lamang limitado sa pagiging hindi mabaho ng kulungan ng iyong mga alaga na kadalasang mapapansin sa conventional na mga piggery. Dahil sa ang natural na pag-aalaga ng baboy ay naka pokus sa pag papanatiling natural ng tirahan at mga kinakain ng iyong alagang baboy, nagiging mas masaya ang mga alaga at nagiging mas hindi sakitin ang mga baboy. Ang teknolohiyang ito ay mas madaling isagawa at mas mura para sa mga naghahayupan.

Babuyang walang amoy construction

Bago ka magsimulang magtayo ng iyong natural na babuyan, dapat mo munang isaalang-alang ang ilang salik. Ang iyong babuyan ay dapat na itayo sa lugar na kung saan ay tinatamaan ng sapat na sikat ng araw sapagkat ito ay nagsisilbing natural na disinfectant at nagbibigay ito ng bitamina D sa mga alaga mo. Dapat mo ring tandaan na ang lugar na pipiliin mo ay may sapat na daloy ng hangin para hindi maistress ang iyong mga alagang baboy.

Iwasan ang pagtatayo sa lugar na mababa dahil mas malaki ang posibilidad na ito ay bahain sa panahon ng tag-ulan. Tandaan na dapat ay nasa pinakamataas na dako ang lupa sa ilalim ng sahig ng iyong babuyan kung may baha.

Piliin mo rin ang lugar na malapit sa kalsada para maging mas madali ang iyong mga gawain. Mas mapapadali ang pagdadala ng mga pakain at ang pagbibenta ng baboy papuntang pamilihan kung malapit ka sa kalsada, farm to market roads, wika nga.

Babuyang walang amoy floor plan

Ang natural na babuyan na hindi bumabaho ay dapat na mayroon ng mga sumusunod: bedding o sapin sa sahig tulad ng ipa, lusak na kung saan pwedeng maligo ang mga baboy at kainan. Irenirekomenda ng mga dalubhasa ang 1.5 hanggang 2 metro kwadrado ang sukat para sa sahig na may bedding. Ang lusak ay dapat na isang metro kwadrado ang laki. Ang kainan ay dapat na nakalagay sa harap ng lusak. Ito ay dapat na samung pulgada lamang ang laki, tamang tama lamang para hindi nila higaan ang kinakain. Sa ordinaryong babuyang walang amoy, aabutin ng 25 metro kwadrado ang kailangan mong kabuuang sukat.

Mga materyales para sa babuyang walang amoy

Kung ikaw ay naghahanap ng mga materyales para sa iyong babuyan, pwede mong gamitin ang kahit na anong materyales na makukuha mo sa inyong lugar. Pero tandaan na ang mga kasangkapang gagamitin mo ay dapat na matatag para makatiyak ka na kaya nitong protektahan ang mga baboy sa loob ng babuyan.

Kadalasan na, ang babuyang pinag-uusapan natin ay pinaghalong konkreto, kahoy o kawayan, at nipa o yero. Pwede mong gamitin ang kahit na anong materyales na makukuha mo, basta siguraduhing hindi nito masasaktan ang iyong mga alaga.

Pwede kang mamili sa shed type, semi-monitor type o monitor type kung disenyo ng bubong ang pag-uusapan, basta tiyakin mo na may sapat na bentilasyon para sa mga alaga mo.

Para sa bedding, rekomendado ang epa o rice hull. Pwede ka namang gumamit ng iba pang organikong materyales para sa bedding. Ang iyong bedding ay dapat na mga dalawa hanggang tatlong piye ang lalim at ipinapatong ito sa lupa. Hindi kailangan ang konkretong sahig na pagpapatungan ng bedding.

Ang lusak ay dapat na isang metro ang laki. Ito ay dapat na mababaw lamang na may kakayahang mag ibak ng tubig na anima na pulgada lamang ang lalim. Ginagamit ito ng mga baboy para magpalamig kung mainit ang panahon. Dito rin sila dudumi o iihi.

Pangangalaga sa babuyang walang amoy

Ang tamang pagmamantena sa babuyang walang amoy sa tamang panahon ay kapakipakinabang hindi lamang dahil sa makokontrol nito ang hindi magandang amoy kundi mapananatili nito na payapa at masasaya ang iyong mga alagang baboy.

Ang dumi ay kailangang kunin ng regular sa pamamagitan ng pagwalis sa lusak o pagkuha nito sa bedding. Ang dumi ng baboy ay maaaring itago at gamiting pataba sa lupa.

Ang lalim ng bedding ay dapat ding imantina. Sa pagdaan ng panahon, ang bedding ay lumulubog dahil sa bigat ng mga baboy o pagkabasa, kaya kailangang magdagdag ng panibagong bedding panapanahon. Kapag maibenta na ang mga baboy, kailangang tanggalin ang lahat ng bedding at palitan ng bago habang hindi pa ikinukulong dito ang sunod na batch ng mga baboy.

Ang lusak na kanilang pinapaliguan ay dapat na lagyan ng tubig na anim na pulgada ang lalim tuwing umaga at tanggalan ng tubig tuwing hapon. Hindi irinerekomenda ang pagpapanatili sa tubig nito ng magdamag dahil maaaring palamigin nitong masyado ang higaan ng mga baboy.

Pakain para sa babuyang walang amoy

Mahalaga rin na ang mga baboy ay pinapakain ng organikong mga pakain sa baboy, na pwedeng gawin sa bahay o bilhin sa agricultural supplies stores dahil sa hindi ito nagtataglay ng anumang mga antibiotic o nakasasamang mga hormones. Ang mga problemang kadalasang nararanasan ng mga nag aalaga ng baboy tulad ng mabahong babuyan at maliit na kita ay kadalasang dahil sa hindi sila gumagamit ng natural o organikong mga pakain.

Mahalaga ring piliin ang feeds na iyong bibilhin para sa mga alagang baboy. May mga feeds na naglalaman ng probiotics na nakakatulong na magkaroon sila ng mahusay na panunaw anupat napauunlad nito ang kalusugan ng iyong mga alaga. Ang probiotics ay tinatawag ding good bacteria na nakikipaglaban sa masasamang bacteria sa loob ng tiyan ng baboy. Dahil mga organismong probiotics, naaabot ng mga baboy ang laki na kadalasang naaabot lamang kung ikaw ay gagamit ng artificial na mga pakain at antibiotics.