Paano Magsimula Sa Baboy Ramo Farming?

Sa panahon ngayon, marami na ang mga nauusong mga bagong negosyo. Pero noon pa man ay talagang matagumpay na mga negosyong may kaugnayan sa pagaalaga ng hayop at kabilang diyan ang farming. Isang negosyong subok na at nakatatak na sa industriya ng pagnenegosyo. Kabilang na diyan ang pagaalaga ng manok o poultry, nandiyan rin siyempre ang pagaalaga ng baboy o pigery. Pero narinig niyo na ba ang baboy ramo farming? Mamaya malalaman ninyo kung paano magalaga ng baboy ramo at kung bakit patok rin itong negosyo.

Ano ang pagkakaiba ng baboy ramo sa karaniwang baboy?

Ang baboy ramo o wild boar sa ingles ay isang uri ng baboy na naninirahan sa mga kagubatan. Ito ay isang uri ng mabangis na baboy dahil sa uri ng kanyang pamumuhay at dahil sa hindi rin ito sanay sa mga tao. Ang baboy ramo ay kulay itim at mas mahaba ang balahibo kumpara sa tipikal na baboy na maputi at pino naman ang balahibo. Magkaiba rin ang kanilang kinakain dahil ang baboy ramo ay kumakain ng damo at ng mga dahon sa gubat at ang baboy naman ay kadalasang mga pagkain pampataba at pampabigat ng timbang kagaya ng hog feeds o hog pellets na nabibili naman sa tindahan, pagkatapos ay ibinibenta ito sa merkado para katayin at gawing karne. Pero pwede rin ba ang baboy ramo?

Baboy ramo farming: paano magalaga ng baboy ramo?

Si Mr. Rufino M. Legayo ng Natividad, Pangasinan, ay isang baboy ramo farmer simula pa noong 1996. Ayon sa kanya mahirap sa umpisa ang pagalaga ng baboy ramo dahil nga sa ugali nito at hindi ito ito sanay sa tao. Nagsimula ang kanyang negosyo sa paghuli ng babaeng baboy ramo sa kagubatan ng pangasinan at sinundan ito ng lalakeng baboy ramo na kung saan ay gagamitin sila sa pagpaparami ng lahi. Ayon pa nga sa kanya, ang mga baboy ramo ay talagang agresibo at nangangailangan ng saradong kulungan, dahil kung bakod lamang na ang taas ay abot baywang ay linulukso lamang nito at nakakatakas. Ayon kay mang Rufino, ang baboy ramo ay hindi maselan sa pagkain, katunayan nga tuwing dry season o taginit ay pinapakawalan niya ang mga ito sa loob ng kanyang farm at sila mismo ang naghahanap ng kanilang mga pagkain. Ang ilan sa mga paboritong pagkain ng baboy ramo ay ang ugat ng kogon at sa tuwing nasa kulungan naman ay mga dahon ng samak, dahon ng palay, at giniling na mais. Ang maganda pa raw sa baboy ramo, hindi ito delikado sa mga peste o iba pang sakit kagaya ng mga tipikal na baboy. Pero kumusta naman ba ang pag benta nito?

Patok bang negosyo ang baboy ramo farming?

Ayon kay mang Rufino, patok ang baboy ramo farming bilang isang negosyo at napatunayan niya na ito sa loob ng dalawang dekadang pagaalaga. Ayon sa kanya, dahil sa ang baboy ramo ay organic ang mga kinakain ay mas healthy at safe ang karne nito kumpara sa mga baboy. Madali rin ang pagparami nito at dagdag pa niya, sa loob ng isang dekada ay nakapagbenta siya ng hindi na mabilang na baboy ramo. Ang kanyang mga suki ay kadalasang mga maguumpisa ring mag negosyo at ang iba naman ay ginagawang putahe sa mga restaurant. Alam niyo bang na ang baboy ramo na nagtitimbang lamang ng 20kg ay maibebenta mo na sa halagang 6,000 pesos? dagdag pa diyan ay madali itong ibenta dahil nga sa mas safe ang karne nito, mas malasa, at masarap pa. Isa sa mga pangunahing luto ng baboy ramo ay ang lechon de leche. Talaga namang patok ang negosyong baboy ramo farming.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Paano Magsimula Sa Baboy Ramo Farming?
Rate this post

KATULAD NA MGA ARTIKULO